Robin gustong sampalin, sikmuraan mga tiwaling opisyal
Dapat umanong magbitiw na sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na iniimbestigahan dahil sa alegasyon ng katiwalian, ayon kay Senator-elect Robin Padilla.
Ginawa ng senador ang pahayag nang hingan ng reaksyon kaugnay ng intelligence report na nag-uugnay sa pangalan ng ilang opisyal ng Bureau of Customs at Department of Agriculture sa agricultural smuggling sa bansa.
“Sa aking palagay, kung sino po ang mapapatunayan diyan, unang-una, mag-resign ka. Dapat uso na sa Pilipinas ang ganyan na kapag naimbestigahan ka, unahan mo na agad ng resignation kasi sana magkaroon na tayo ng ganong klaseng delicadeza,” sabi ni Padilla sa panayam ng mga reporter.
“Hindi ‘yung kapag naimbestigahan ka dito sa atin, kapit-tuko pa rin sa posisyon niya. Sana maging uso na rin sa atin ‘yun. Kapag naimbestigahan ka resign na agad,” dagdag pa niya.
Ayon kay Padilla, nanguna sa nagdaang senatorial election, isa sa mga natutunan niya sa kanyang pag-aaral sa Development Academy of the Philippines (DAP) ang ‘accountability’ o pananagutan sa mga taong nagsisilbi sa gobyerno.
“Hindi puwedeng sorry. Kayo ay nanumpa sa harapan ng Diyos at nanumpa sa harapan ng taumbayan na kayo ay magsisilbi at poproteksyunan niyo ang sambayanang Pilipino tapos kayo ang mag-uumpisa ng kalokohan,” ani Padilla.
“Abe eh heinous crime sa akin ‘yan. Dapat diyan di lang mag-asawang sampal…dapat sikmuraan din,” diin pa niya.
Dagdag pa ni Padilla, kailangang mag-imbestiga rin ang Senate blue ribbon sa isyu ng iligal na pag-angkat ng produktong pang-agrikultura.
Nang tanunging kung nais na ba niyang maging bahagi ng blue ribbon committee, sinabi ni Padilla na mas gusto niyang mapabilang sa Commission on Appointment.
“Doon na lang ako sa Commission on Appointments. Kung mag-aapply ako doon ko gusto. Yun ang natutunan ko sa Bilibid—ang kumilatis ng tao. Tingin pa lang sa tao alam ko na,” ayon kay Padilla.
Comments
Post a Comment